Ilang mga barangay sa Arayat at Magalang sa Pampanga ang nanganganib ngayon sa pagbagsak ng mga malalaking tipak ng bato mula sa bundok, ayon sa Mines and Geosciences Bureau.

“Para sa akin as a geologist po, hindi na siya safe. Kasi nangyari na po twice ang landslide so anytime po puwedeng mangyari ulit,” ayon kay supervising geologist Ma. Lourdes Cruz.

Taong 2009 nang maranasan ni Myrna Velasco ang landslide na tumama sa Barangay San Juan Baño sa Arayat kung saan 12 sa kanilang mga kapitbahay ang namatay.

“’Yung mga tindahan namin nasira, ‘yung mga sasakyan, ‘yung mga bahay namin nalubog,” kuwento niya.

Dagdag pa ng MGB, mula sa huling pagputok ng bundok daan-libong taon na ang nakalilipas ang malalaking tipak ng bato na sinlaki ng isang truck.

“So bale po ‘yung mga boulders na nandyan sa Arayat, ‘yun po ‘yung mga unang binuga ng Mt. Arayat 600,000 years ago. ‘Yun po ang last niyang eruption,” sabi ni Cruz.

Lubos naman ang pag-aalala ni Velasco lalo na kapag bumuhos na ang ulan.

“Basta kapag umuulan na, hindi na kami masyadong natutulog, dahil siyempre inaano namin ang bundok baka magiba,” sabi niya.

Nakahanda naman ang kapitolyo sa posibleng paglilipatan ng mga apektadong residente.

“Mayroon na kaming naka-prepare na 10 hectares for relocation, ibinigay ng NHA (National Housing Authority), so ‘yun na ngayon ang gagawing relocation namin para just in case may bagyo nakasentro doon sa Mt. Arayat, aalisin na namin ‘yung dalawang barangay na nakatabi doon sa Mt. Arayat,” pahayag ni Gov. Lilia Pineda.

Nakikipag-ugnayan na rin ang provincial government sa Department of Public Works and Highways para sa pagpapagawa ng mga dike na magbibigay ng proteksiyon sakaling tuluyang bumagsak ang malalaking tipak ng bato sa komunidad.

Gracie Rutao, ABS-CBN News